Leyte landing ginunita
PALO, Leyte, Philippines – Pinangunahan kahapon ni Pangulong Benigno Aquino lll ang paggunita sa ika-70 taong anibersaryo ng Leyte Gulf Landing ni Gen. Douglas McArthur kasama ang allied forces pero hindi niya dinalaw ang mga biktima ng Yolanda sa Tacloban City. Tinupad ni Gen. McArthur ang kanyang pangako sa mga Filipino na babalik ito upang palayain ang bansa mula sa mga Hapones kaya sinabi nito noong Oct. 20, 1944 kina Pangulong Sergio Osmeña at Gen. Carlos Romulo na “I have returned”. Maging ang estatwa ni Romulo sa McArthur landing park dito ay hindi nakaligtas sa bagsik ng storm surge dulot ng bagyong Yolanda matapos itong bumagsak at isinaayos na lamang. Bagama’t ilang kilometro lamang ang layo nito sa Tacloban City kung saan ay marami ang nasawi sa bagyong Yolanda ay hindi nagkaroon ng panahon si Pangulong Aquino upang kamustahin ang mga biktima ng storm surge. Ayon kay PCOO Sec. Herminio Coloma Jr., ang pagpunta ng Pangulo sa Leyte kahapon ng umaga ay para sa paggunita ng Leyte landing at may hiwalay na pagkakataon para sa anibesaryo ng paggunita sa pananalasa ni bagyong Yolanda.
- Latest