Pagdalo ni VP sa Senado walang silbi

MANILA, Philippines – Walang saysay na dumalo si Vice President Jejomar C. Binay sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Subcommittee hearing sa umano’y overpricing sa pagpapagawa sa Building 2 ng Makati City Hall dahil meron nang paunang hatol ang mga senador na nagsasagawa ng pagdinig.

Ito ang paliwanag ni Cavite Governor Jonvic Remulla na nagsisilbing tagapagsalita ni Binay. Ginawa niya ang pahayag bilang reaksyon sa huling survey ng Social Weather Station na nagsasaad na 79 na porsiyento ng mga respondent dito ay nais na dumalo si Binay sa pagdinig sa Senado.

“May hatol na agad ang Senado kay Vice President Jojo Binay. Hayagan ang hatol ni Senador Trillanes sa isyu at tahasang sinasabing layunin nitong mapababa ang survey rating ng Bise Presidente at ipakulong ang Bise Presidente,” sabi pa ni Remulla. “Tinanggap nila ni Senador Cayetano bilang katotohanan ang walang basihang paha­yag ni dating Makati Vice Mayor Ernesto Mercado at kumilos pa sila para sumailalim ito sa Witness Protection Program.”

Sinabi pa ni Remulla na ginagawa nina Trillanes at Cayetano ay nagpapatunay lang sa paninindigan ng kampo ni Binay na ang pagdinig ay pulitika at hindi para sa paggawa ng batas.

“May ibang lugar na maaaring sagutin ng Bise Presidente ang walang basihang mga akusasyon at kasinungalingan. Mga lugar na walang ibang adyenda kundi malaman ang katotohanan.  Determinado siyang dalhin ang mga isyu sa taumbayan na siya niyang ginagawa sa nagdaang mga linggo sa mga pagbisita sa Mindanao, Zambales at Bataan,” dagdag ni Remulla.

Show comments