‘VFA huwag buwagin’ - PNoy
PALO, LEYTE, Philippines – Tinutulan ni Pangulong Benigno Aquino lll ang panukala ng ilang kongresista na buwagin ang Visiting Forces Agreement (VFA).
Sinabi ni Pangulong Aquino sa media interview dito matapos pangunahan ang pagdiriwang sa ika-70 anibersaryo ng Leyte Gulf landing hindi siya payag sa panukalang buwagin ang VFA dahil sa naging kaso ni Jeffrey Laude alyas Jeniffer na pinaslang ng US serviceman na si PFC Joseph Scott Pemberton.
“Walang dahilan na buwagin ang VFA kasi ang kasalanan ng isa, hindi naman kasalanan ng lahat,” sabi ni Aquino sa panayam ng mga mamamahayag.
Ayon sa Pangulo, patuloy ang koordinasyon nina Department of Foreign Affairs Secretary Albert del Rodario at United States Ambassador Philip Goldberg kaugnay sa kaso ni Laude.
Aniya, nakapaloob naman sa VFA na kapag kailangan ang suspek na Amerikano sa pagharap sa kaso ay dapat siguruhin ito ng US dahil nasa kanila ang custody nito at ang Pilipinas naman ang may judicial jurisdiction sa kaso.
Naunang sinabi ng DFA na puwede namang hilingin ng Pilipinas sa US ang custody ni Pemberton kung kinakailangan pero nasa US government ito kung pagbibigyan ang kahilingan.
Umapela ang pamilya ng transgender na si Laude kay Pangulong Aquino na mabigyan ng hustisya ang pagkamatay nito kasabay ang paghingi sa custody ni Pemberton.
Samatala, tahasang sinabi ni Justice Secretary Leila de Lima na dapat na dumalo sa preliminary hearing si US Marine Private First Class Joseph Scott Pemberton hinggil sa pagpatay kay Laude.
Reaksiyon ito ni De Lima sa pahayag ng US Embassy na hindi mapipilit si Pemberton na dumalo sa pagdinig sa kaso ng pagpatay kay Laude, 26 alinsunod naman sa payo ng Filipino lawyer na si Atty. Benjamin Tolosa Jr. ng Angara Abello Concepcion Regala & Cruz Law (ACCRA).
Ayon kay De Lima wala silang nakikitang dahilan upang hindi makadalo si Pemberton dahil ito ang nakasaad sa general rule.
Bagama’t may ilang mga kaso na pinapayagan na hindi na dumalo ang respondent at pinagsusumite na lamang ng counter affidavit kailangan pa rin ng sapat na rason.
“Pero ang alam ko, hindi iyan basta-basta pinapayagan unless may compelling reason bakit ayaw humarap,” dagdag pa ni De Lima.
Ipinaliwanag ni De Lima, ang pag-oobliga kay Pemberton na dumalo sa pagdinig ay pagpapakita na walang binibigay na anumang special treatment sa nasabing US serviceman o pagiging malambot sa paghawak ng kaso.
Iminumungkahi naman ni Magdalo Rep. Gary Alejano sa gobyerno na magtakda na ng espesipikong kulungan para sa mga sundalong Kano na lumalabag sa mga batas dito sa bansa.
Ang mungkahi ay ginawa ni Alejano sa gitna ng kontrobersiya sa kaso ni Laude.
Iginiit niya na ang kulungan ay pwedeng pagkasunduan na ng Pilipinas at Amerika at ipapaloob sa Visiting Forces Agreement (VFA) sakaling tuluyang marebisa ito.
Idinagdag pa ng kongresista na iginigiit lamang ng US ang kustodiya sa nasasabit nitong sundalo dahil sa ayaw na maipasailalim sa sistema ng nakakapanlumong sistema ng kulungan sa bansa.
Paniwala pa ni Alejano, kung mayroong mapapagkasunduang bilangguan at maipapakita sa US na maayos ito at tiyak na hindi na magiging problema sa hinaharap ang kustodiya sa sundalong kano na nakakagawa ng krimen dito.
- Latest