3 testigo sa transgender slay ipapasok sa Witness Protection

MANILA, Philippines - Wala pa mang banta sa buhay, nais ni Atty. Harry Roque, abugado ng pamilya Laude na mabigyan agad ng proteksiyon ang tatlong testigo sa Jeffrey “Jennifer” Laude slay case.

Sinabi ni Roque na hihilingin niya sa Depart­ment of Justice (DOJ) na mapasailalim sa Witness Protection Program (WPP) ang tatlong testigo na hawak ng kanilang kampo laban sa suspek na si US Marine Joseph Scott Pemberton.

Si Pemberton ang suspek sa pamamaslang sa transgender na si Laude na natagpuang patay sa isang motel sa Olongapo City.

Ang tatlong itinago ang pagkakilanlan ang siyang positibong kumilala sa suspek na kasama ng biktima.

Nagkausap na umano sila ni Atty. Martin Menez, ang namumuno ng WPP, at batay sa kanilang pag-uusap, sisimulan na ang proseso ng pag-evaluate sa tatlong testigo.

Hihilingin din umano niya na mapabilis ang proseso at kung maari ay makapagpadala ng tauhan ang WPP sa Olon­gapo para maasikaso na ang mga dokumentong kakailanganin.

Naniniwala si Roque na mas kailangan ng seguridad ng mga testigo dahil siya mismo na abugado sa kaso ay nagkaroon agad ng karanasan nang magtungo sa Olongapo City noong nakalipas na Miyerkules. Kahit saan siya magpunta ay sinusundan umano siya ng isang Amerikano hanggang sa magtungo siya sa piskalya at sa bahay ng isang testigo.

At kung siya umano bilang isang abugado ay namamanmanan ang kilos, higit na lantad sa ganitong sistema ang mga testigo.

Presensiya lamang umano ng mga Amerikano ay maaring matakot ang mga testigo at posibilidad na umurong.

Samantala, tiniyak ng Estados Unidos na pahaharapin nito si Pemberton sa preliminary investigation na itinakda sa Martes, Oktubre 21, alas-2:00 ng hapon.

“The United States will continue to assist in the investigation to help ensure justice is served,” sabi ng tagapagsalita ng US Embassy na si Anna Richey.

Batay sa paunang salaysay ng ilang testigo, nagkita sa isang bar sina Laude at Pemberton at matapos ay nagtungo sa isang motel. Doon na natagpuang patay ang transgender na nakasub­sob ang ulo sa toilet bowl.

Show comments