US Marine sinubpoena sa transgender slay
MANILA, Philippines - Pinadalhan na ng subpoena ang US Marine na suspek sa pagpatay sa transgender na si Jeffrey Laude alyas Jennifer.
Sinabi ni Atty. Harry Roque, abugado ng pamilya Laude, personal na ipinadala ng Olongapo Prosecutors Office sa Department of Foreign Affairs (DFA) ang subpoena kay Private First Class Joseph Scott Pemberton para dumalo sa preliminary investigation sa Oktubre 21 alas-2 ng hapon
Paliwanag ni Roque, ang DFA na ang mangangasiwa para maipadala ang subpoena at kopya ng reklamo kay Pemberton sa pamamagitan ng diplomatic channel.
Inihayag pa ni Roque na sila ay nagpapasalamat at umusad na rin ang proseso ng pormal ng imbestigasyon kay Pemberton.
Gayunman, nagtataka umano si Roque kung bakit naiba ang proseso kay Pemberton kumpara nuong panahong iniimbestigahan ang kaso ni Daniel Smith.
Noon umanong kaso ni Smith, kinuha agad ng Pilipinas ang kustodiya nito subalit nagkaroon ng request ang Amerika kaya nailipat sa kanila ang kustodiya ni Smith.
Magkagayunman, bago umano ibinigay ng Pilipinas ang kustodiya ni Smith sa US ay tiniyak muna ang proseso kung saan lahat ng summons para sa kanya ay idadaan sa US Embassy.
Dismayado si Roque dahil sa simula pa lamang na matukoy na si Pemberton ang suspek, dapat ay iginiit na ng gobyerno ang kustodiya sa kanya dahil alinsunod sa Visiting Forces Agreement (VFA), ang kustodiya ng Pilipinas sa akusadong sundalong Kano ay magsisimula pagkatapos na mangyari ang krimen.
- Latest