MANILA, Philippines – Muling iginiit ng prosekusyon sa Sandiganbayan na ilipat sa regular na selda si Sen. Bong Revilla na nahaharap sa kasong plunder at graft kaugnay ng pork barrel scam.
Nakasaad sa apela ng prosekusyon na baliktarin nito ang naunang desisyon na pumapayag na manatili si Revilla sa PNP Custodial Center sa Camp Crame.
Pinayagan noon ng graft court si Revilla na manatiling nakakulong sa Custodial Center dahil isa raw siyang high risk detainee kayat hindi siya maaaring maikulong lamang sa isang regular jail.
Gayunman, idiniin ng prosekusyon na ang mga kapwa akusado ni Revilla na sina Janet Napoles at Atty. Gigi Reyes ay isa ring mga high risk detainees at nakakulong ngayon sa regular na selda sa Camp Bagong Diwa sa Taguig pero ang mga ito anila ay nabibigyan ng sapat na seguridad ng BJMP.
Anang prosekusyon, dapat pantay-pantay lamang ang pagbibigay ng uri ng kulungan sa mga kapwa akusado ng krimen tulad ng plunder.
Si Revilla, dating chief of staff nitong si Richard Cambe at Sen. Jinggoy Estrada na pawang akusado sa graft at plunder ay nakakulong sa PNP Custodial Center sa Crame.