DOH ipapatawag ng Kamara sa Ebola

MANILA, Philippines – Ipapatawag sa Kamara ni Ang Nars Partylist Rep. Leah Paquiz ang mga opisyal ng gobyerno at Department of Health (DOH) upang alamin kung gaano kahanda ang bansa laban sa Ebola.

Sinabi ni Paquiz na maghahain siya ng resolusyon sa Kamara upang makuha ang detalye ng preparasyon ng DOH at iba pang ahensiya ng gobyerno laban sa nasabing sakit.

Ito ay sa gitna ng pangamba sa posibilidad na makapasok sa bansa ang Ebola virus matapos na makapasok na rin ito sa Estados Unidos at Spain.

Ayon kay Paquiz, nais umano nitong makuha ang paliwanag ng mga taga DOH at Department of Transportation and Communication (DOTC) kung ano ang umiiral na protocol lalo na sa mga paliparan para sa pagbabantay sa mga dumarating na mga pasahero.

Giit pa ng kongresista, hindi siya kuntento sa kasalukuyang sistema sa mga paliparan na gumagamit lamang ng thermal scanner sa mga dumarating na pasahero at wala rin health personnel na nagbabantay kasama ang ibang airport personnel.

Bukod dito, nais din nitong malaman kung ano ang mga pasilidad ang magagamit kapag nagkaroon ng epidemya lalo na at kulang ang resources ng bansa gayundin sa kung anong gagawin sa oras na may makapasok na Ebola victim sa bansa.

Samantala tutol naman si Deputy Majority leader Sherwin Tugna na magpapadala ng health workers ang Pilipinas sa mga bansang apektado ng Ebola virus.

Paliwanag ni Tugna, kung magpapadala ng Pinoy health workers sa West Africa pagbalik ng mga ito ay magkakaroon lang ng Ebola scare sa bansa.

Show comments