MANILA, Philippines – Suportado ng Malacañang ang plano ng Department of Transportation and Communications (DOTC) na ipatigil muna ang operasyon ng MRT 3.
Ayon kay Communications Sec. Herminio Coloma, ang layunin naman ng gobyerno ay makapaghatid ng epektibo at ligtas na serbisyo sa mga commuters.
“Kaya hintayin po natin ang pahayag ni Secretary (Joseph Emilio) Abaya at ng DOTC kung anong hakbang ang kanilang inaakalang dapat na gawin para matamo ang layuning ito,” giit ni Coloma.
Aniya, kung ano makakabuti para sa lahat ay suportado ng pamahalaan lalo ang kapakanan at kaligtasan ng mamamayan ang nakataya.
Magugunita na plano ng MRT 3 management na pansamantalang itigil ang operasyon nito upang kumpunihin ang sirang mga riles.