MANILA, Philippines - Wala pang go-signal ni Pangulong Aquino ang panukalang itaas ang pamasahe sa MRT at LRT.
Ayon kay Deputy Presidential spokesperson Abigail Valte, walang pormal na rekomendasyon ang DOTC para sa nasabing fare hike.
Magugunita na mismong si Pangulong Aquino ang nagpahayag na nais nitong bawasan ang ibinibigay na subsidy ng gobyerno sa LRT kung saan ay pinapasan ng pamahalaan ang ilang bahagi ng pamasahe nito.
Katwiran ni PNoy, ang buwis na mula sa mamamayan ang ginagamit sa pag-subsidized sa pasahe sa LRT na sa kanyang pananaw ay hindi makatwiran dahil ang nagbabayad ng buwis mula sa Visayas at Mindanao ay hindi naman sumasakay o gumagamit ng LRT.
Plano ng DOTC na itaas sa P28 ang pasahe sa MRT 3 mula sa P15 habang P30 sa LRT 1 mula sa P20 at gagawing P25 mula sa P15 sa LRT 2.