MANILA, Philippines - Paiimbestigahan ni Kabataan partylist Rep. Terry Ridon sa House Committee on Metro Manila Development ang umano’y demolisyon at planong pag-convert sa makasaysayang Army Navy Club (ANC) para bigyang daan ang pagtatayo ng casino at spa rito.
Ayon kay Ridon, mismong ang konstitusyon na ang nagsasabi na dapat protektahan ang lahat ng artistic at historic wealth kabilang na rito ang historical infrastructure subalit ang pag-demolish umano sa ANC ay malinaw na malaking negosyo laban sa makasaysayang yaman.
Ang ANC ay matatagpuan sa tabi ng Quirino grandstand sa Maynila.
Nilinaw naman ni Ridon na ang kanyang pagpapaimbestiga sa pamamagitan ng isang house resolution ay hindi lamang para sa ANC kundi sa iba pang nanganganib na historical infrastructure na hindi dapat ipagwalang bahala ng kongreso.
Ang reaksyon ni Ridon ay base sa ulat na ang muling pagbuhay sa ANC ay bilang paghahanda sa conversion nito sa casino ng developer na Oceanville sa pangunguna ni Simon Paz.
Nauna na rin nag-isyu ng cease and desist order ang National Historical Commission of the Philippines (NHCP) laban sa developer ng ANC dahil sa paggalaw nito sa main building nito ng walang kaukulang permiso mula sa ahensiya.