Batangas farm ni Binay inilantad sa Senado
MANILA, Philippines - Gamit ang mga aerial footages na kuha sa pamamagitan ng isang pribadong helicopter, iprinisinta kahapon ni dating Makati Vice Mayor Ernesto Mercado ang mansion at farm umano ni Vice President Jejomar Binay sa Rosario, Batangas.
Sa pagpapatuloy kahapon ng Senate Blue Ribbon subcommittee sa imbestigasyon tungkol sa sinasabing overpriced na Makati City Hall Building 2, sinabi ni Mercado na maituturing na isang “hacienda” ang buong farm na aabot sa 350 hectares at nagkakahalaga ng P1.2 bilyon ang nagastos sa pagde-develop.
Ang nasabing lupa umano ay nagsilbing bayad kay Binay bilang abogado sa isang naipanalong kaso.
“Kaya ko ipinakikita ang mga property na yan, upang makita natin kung tama o hindi ang kanyang SALN (Statement of Assets, Liabilities and Net worth), at maipakita kung siya po ay kumita o hindi sa pamahalaang Lungsod ng Makati,” pahayag ni Mercado.
Inihalintulad ni Mercado ang 350-ektaryang pag-aari umano ng mga Binay na katumbas ng anim na Luneta Park o kaya’y 10 Araneta Center sa Cubao o kalahati ng San Juan City.
Inihayag rin ni Mercado na sa mansiyon ng mga Binay ay may resort pool na kinopya ni Dr. Elenita Binay mula sa Kew Garden sa London.
Ang garahe pa lamang umano ng pamilya Binay na maaring mag-park ang apat na sasakya ay maikukumpara sa mansion ni PNP chief Alan Purisima.
Pinalagyan din umano ni Dra. Binay ng air-conditioning units ang kanilang piggery upang hindi bumaho ang amoy ng mansion.
World class din umanong maituturing ang orchid farm ni Dra. Binay.
- Latest