BAYAMBANG, Pangasinan, Philippines – Nagkilos protesta ang mahigit 300 miyembro ng Parents Teachers Association (PTA) ng Bayambang 1 Central School upang tutulan ang illegal na paglilipat ng kanilang paaralan.
Kinuwestyon ni PTA president Filipinas Alcantara ang executive order ni Bayambang Mayor Ricardo Camacho noong nakaraang taon upang sapilitan ilipat ang may 2,000 estudyante sa bagong site ng paaralan kahit hindi ito pinayagan ng Department of Education (DepEd).
“The DepEd has ruled against the relocation. But Mayor Camacho secured a temporary restraining order on the DepEd ruling,” paliwanag pa ni Alcantara sa mediamen.
Sinabi pa ni Alcantara, ang TRO ay umiral lamang sa loob ng 20 araw pero nang hindi na umiiral ang TRO ay sapilitang ipinalipat ang mga estudyante kabilang ang kanyang anak sa bagong relocation site na pag-aari ng isang William Chua na negosyante mula sa Dagupan City.
Suportado ng principal ang paglilipat ng paaralan sa bagong site dahil praktikal daw ito at makakabuti para sa lahat.
Pero ayon kay Atty. James Cundangan ng Office of the Solicitor General ay tanging ang DepEd lamang ang may kapangyarihan at hurisdiksyon sa nasabing desisyon ukol sa mga paaralan at edukasyon.
Giit pa ni Alcantara, ikinakalat ng local government na luma na ang school building, sira-sira at pinamamahayan daw ng mga lamok na puwedeng maging sanhi ng dengue.
Ayon sa mga magulang, interesado umano ang negosyante sa site ng lumang paaralan na nasa kahabaan ng highway na magandang tayuan ng commercial establishments.