MANILA, Philippines - Walang pahintulot ng gobyerno ang paglahok ni Akbayan Partylist Rep. Walden Bello sa pro-democracy protest rally sa Hong Kong, ayon kay PCOO Sec. Herminio Coloma Jr.
Sinabi ni Sec. Coloma, ginawa ni Rep. Bello ang paglahok sa pro-democracy rally sa HK bilang isang ordinaryong citizen at hindi bilang isang miyembro ng Kamara kaya hindi daw ito panghihimasok sa affairs ng China.
Sa panig naman ni Presidential Spokesman Edwin Lacierda, bagama’t ginagalang nila ang sariling desisyon ni Rep. Bello ay pangunahing concern pa din ng Pilipinas ang kaligtasan ng mamamayan ng Pilipinas sa HK.
Magugunita na pinayuhan ng gobyerno ang mga Filipino na nasa HK na huwag sasali sa protest rally at lumayo sa mga kilos protesta para sa kanilang kaligtasan.
Pinayuhan ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang mga Pinoy tourists at OFW’s na huwag magtutungo sa Central, Admiralty, Tim Mei Avenue, Lung Wei Road Causeway Bay, Mongkok, Wan Chai at government headquarters sa Tamar kung saan nagaganap ang kilos protesta.