MANILA, Philippines – Walang plano si Pangulong Aquino na magbitiw sa kanyang puwesto sa gitna ng panawagan ng Simbahang Katoliko.
Ayon kay Communications Sec. Herminio Coloma, kung determinado ang Simbahan na isulong ang panawagan nilang pagbibitiw ng Pangulo ay determinado din si PNoy na ituloy ang kanyang paglilingkod sa bayan na kanyang sinumpaan ng mahalal itong pangulo ng bansa.
“Determinado po ang ating Pangulo na ipagpatuloy ang kanyang paglilingkod at ipatupad ang mga repormang ipinangako sa mga mamamayan. At sa amin pong palagay ang inyong ipinahayag ay isang bahagi lamang ng opinyon ng isang sektor. Hindi po ‘yan ang sumasalamin sa opinyon ng mayorya ng ating mga mamamayan na patuloy na sumusuporta sa liderato ng ating Pangulo at patuloy na nagtitiwala sa kanyang pagiging lider ng ating bansa,” paliwanag ni Coloma.
Magugunita na naglunsad ng signature campaign ang National Transformation Council (NTC) na kinabibilangan ng mga lider ng Simbahan upang isulong ang panawagang magbitiw si Aquino dahil nawalan na raw ng tiwala ang taumbayan sa liderato nito.
Kulang din umano sa kakayahan si Aquino na pamunuan ang Pilipinas na patunay ng kahinaan ng Pangulo ang naglalabasang ulat ng katiwalian ng kanyang kaalyado.
Paliwanag pa ni Lingayen-Dagupan Archbishop Emeritus Oscar Cruz na ito rin ang isa sa dahilan kung bakit hindi na dapat pang tumakbo sa ikalawang termino ang Pangulo na umaasa lamang sa dikta ng kaniyang mga kaalyado.