MANILA, Philippines – Nais ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na ipagbawal at alisin na sa lansangan ang mga luma at bulok ng mga sasakyan.
Ito ayon kay DENR Secretary Ramon Paje ay upang makatulong itong maibsan ang matinding traffic sa Metro Manila at tuloy mabawasan din ang pagtindi ng polusyon sa hangin na mula sa mga sasakyan.
Sinabi rin ni Paje na dapat nang ituloy ng pamahalaan ang pag-phase out sa mga 15 year old na bus at mga lumang passenger jeep na ugat ng pagtindi ng polusyon sa hangin ang usok na mula rito.
Sa mga passenger vehicles ngayon, tanging taxi units at AUVs ang may phase out. Gayunman, nagagamit pa rin ito at nakakarating sa mga kalsada oras na maging private vehicles muli.
Sinasabing mas matindi ang usok na nagmumula sa mga lumang sasakyan na siyang pinaka matinding pollutants sa hangin sa kalakhang Maynila.
Inerekomenda rin ni Paje ang paggamit ng mga passenger vehicles ng Euro 4 fuels na mas environment friendly kaysa sa kasalukuyang gamit ng mga pampasaherong sasakyan na Euro 2 fuels.
Ang Euro 2 fuel types ay may 500 parts per million (ppm) na mas mataas na dami ng usok ng sasakyan sa 50 ppm ng Euro 4 fuels.
Ang maduming usok ay maaaring mag-ugat ng atake sa puso, sakit sa baga, malaki ang tsansa ng magkaroon ng cancer at maagang pagkamatay ng isang tao.