MANILA, Philippines – Isiniwalat kahapon ni PNP Chief Director General Alan Purisima na isang sindikato ang nasa likod ng smear campaign kaugnay ng paglalabas ng malisyosong alegasyon sa umano’y mga anomalya, korapsyon at pagkakaroon ng kuwestiyonableng yaman laban sa kaniya.
Sa kanyang pagharap sa Senado, sinabi ni Purisima na ang sindikato na nag-ooperate sa Firearms and Explosive Office (FEO) ang posibleng nasa likod ng mga paninira laban sa kanyang kredibilidad at pangalan.
Inihayag ng PNP Chief na nasagasaan ang illegal na gawain ng nasabing sindikato matapos ang mga reporma na ipinatupad sa nasabing tanggapan.
Sinabi ni Purisima na bago ang ipinapatupad na reporma sa FEO ay laganap ang korapsyon kung saan nakakakuha ng mga pekeng lisensiya ng baril at Permit to Carry Firearms Outside Residence (PTCFOR).
Sa ipinatupad na reporma, sinabi ni Purisima na nahinto ang pag-iisyu ng mga pekeng ID ng lisensiya sa mga security guard, lisensiya ng baril at PTCFOR. Gayundin ang pagpapatigil sa mga kontrata na hindi pabor sa gobyerno.
Aniya, mayroong mga tinamaan, may nawalan ng raket, kita at kabuhayan kaya tinarget siya ng mga ito upang siraan para maging ‘business as usual’ umano ulit ang katiwalian ng naturang sindikato.
Hinamon naman ni Sen. Grace Poe, chairperson ng Senate Committee on Public Order and Safety, ang PNP chief na magpakita ng pruweba at ebidensiya sa sinasabi nitong mga sindikato sa pagkuha ng lisensiya at permit ng baril at sa mga taong naninira sa kanya sa halip na puro alegasyon lamang.
Idinagdag ni Poe na hindi maaring sabihin lamang ni Purisima na may mga nanggigipit sa kanya na wala naman itong ipinapakitang pruweba.