Plunder pa vs Purisima isinampa

MANILA, Philippines - Sinampahan ng panibagong plunder case si PNP Chief Director Gen. Alan Purisima sa tanggapan ng Ombudsman ng Violence Against Crime and Corruption (VACC).

Sa limang pahinang reklamo, idinahilan ng VACC ang umano’y iregularidad sa multi-milyong pisong pagpapatayo ng “white house” sa Camp Crame at ang hindi pagdedeklara ni Purisima ng kanyang tamang Statement of Assets Liabilities and Net Worth (SALN).

Sinabi ni VACC founding Chairman and President Dante Jimenez na nagkamal ng multi-milyong pisong ari-arian si Purisima kung pagbabasehan ang mga negosyo at properties nito gaya ng mansion sa San Leonardo, Nueva Ecija at ang malawak na poultry farm sa Cabanatuan City. 

Sinabi ni Jimenez na kailangang isailalim muna sa preventive suspension ng Ombudsman si Purisima habang isinasagawa ang imbestigasyon hinggil dito para maiwasang maimpluwensyahan nito ang kaso.

Bukod sa plunder nahaharap din si Purisima sa mga kasong indirect bribery, paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act at kasong administratibo kabilang na ang dishonesty, grave misconduct and conduct prejudicial to the best interest of public service.

Bagamat ayaw banggitin ang mga pangalan, sinabi ni Jimenez na mismong mga pulis na taga Crame ang nagbigay sa kanila ng mga impormasyon at dokumento ng mga tagong yaman ng naturang heneral.

Una nang sinampahan ng kahalintulad na kasong plunder at graft ng consumers group si Purisima nitong nakalipas na linggo. 

 

Show comments