MANILA, Philippines - Tinanghali ang pagsisimula ng unang biyahe ng Metro Rail Transit (MRT-3) nitong Linggo bunsod nang panibagong aberya na naganap sa naturang linya ng tren.
Ayon kay MRT-3 officer-in-charge Renato San Jose, may natukoy silang ‘abnormalidad’ sa lead train dakong ala-5:20 ng madaling araw ng Linggo.
Gayunman, bigo si San Jose na ipaliwanag ang eksaktong dahilan ng naturang abnormalidad.
Matapos naman ang ilang sandali ay naibalik rin sa normal ang operasyon ng tren.
Inamin naman ni San Jose na kinakailangan na ng MRT-3 ang araw-araw na maintenance upang maiwasan ang mga aberya sa operasyon nito.
Nitong Biyernes, isa sa mga panel sa pinto ng isa sa mga tren ay nasira dahil sa bigat ng mga pasahero.
Sinuri at nagsagawa na ng assessment ang mga Hong Kong experts sa MRT-3 matapos na madiskaril ito sa EDSA-Taft Avenue Station na naging dahilan ng pagkasugat ng may 34 na pasahero.