MANILA, Philippines - Iginiit kahapon ni Samar Congressman Mel Senen Sarmiento na kailangang rebisahin ang anti-terrorism law ng Pilipinas para palakasin ang kampanya ng bansa laban sa terorismo.
Tinutukoy ni Sarmiento ang Republic Act No. 9372 (Human Security Act of 2007) na isa sa mga probisyon ay nag-oobliga anya sa mga awtoridad ng Pilipinas na ipaalam sa mga hinihinalang terorista na sila ay tinitiktikan o nasa ilalim ng surveillance.
Pinuna ni Sarmiento na ang probisyong iyon hinggil sa informed surveillance ay nagbibigay lang ng alerto sa mga terorista na sila ay minomonitor ng mga intelligence at security authorities.
“Nakakatawa ang probisyong ito ng anti-terrorism law. Paano tayo makakakuha ng tamang impormasyon hinggil sa mga hinihinalang terorista kung maagang sinasabihan ang mga ito na nasa ilalim sila ng surveillance?” tanong ng mambabatas.
Nalalagay anya rito sa panganib ang buhay ng mga taong nagsasagawa ng surveillance at nakakalito sa mga awtoridad ang ganitong kaalaman. Dapat anyang tanggalin ang naturang probisyon.
Binanggit pa niya na ang serye ng mga pambobomba ng koalisyon ng mga bansang Arabo na pinangungunahan ng United States ay maaaring magbunsod sa mga symphatizer sa Pilipinas ng tertoristang grupong Islamic State na magsagawa ng kontra-atake.
“Dapat seryosohin ang banta ng ISIS sa Pilipinas. Walang dudang narito sila sa Pilipinas at malaki ang tsansa na maaari silang magsagawa ng terorismo. Nakakaalarma na marami sa mga recruit ay mga kabataang lalake at babae na madaling mahikayat sa pamamagitan ng kanilang baluktot na interpretasyon ng turo ng Islam,” sabi pa niya. (Butch Quejada)