MANILA, Philippines - Umapela kahapon si Sen. Grace Poe kay Education Secretary Bro. Armin Luistro na tiyaking hindi sobra-sobra ang mga assignments na ibinibigay sa mga mag-aaral dahil nagiging sagabal ito sa matatag na relasyon ng mga estudyante sa kanilang mga pamilya.
Ayon kay Poe, nakakalungkot para sa isang magulang na hindi na halos maka-bonding ang kanilang mga anak dahil sa dami ng assignments.
“Lubhang nakakalungkot para sa isang magulang na nagmamadaling umuwi sa kanilang tahanan mula sa trabaho upang magkaroon lamang ng sapat na oras at panahon sa kanilang mga anak ngunit nahahadlangan ito dahil sa dami ng mga asignatura. Dapat nating tiyakin ang sapat na oras para sa paaralan at para sa pamilya,” ani Poe.
Pinuri nama ni Poe ang memorandum ng DepEd na nagbabawal na magbigay ng assignments sa mga bata kung weekends.
Sa 2010 Memorandum No. 392 ng Department of Education (DepEd), ipinagbabawal sa mga pampublikong paaralan ang pagbibigay ng mga takdang aralin sa mga mag-aaral na gagawin tuwing Sabado’t Linggo.
Ipinauubaya naman ng ahensya sa mga pribadong paaralan ang pagdedesisyon sa takdang aralin.