MANILA, Philippines - Inilantad ng kampo ni Vice President Jejomar Binay ang kanyang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) para pabulaanan ang mga akusasyon na siya ay mayroong tagong yaman.
Sa press conference kahapon, sinabi ni Atty. Martin Subido, vice presidential legal counsel ni VP Binay, ang SALN at mga ITR mula sa Bureau of Internal Revenue ng Bise Presidente na maaaring mahingi at mabuksan ng sinuman, ay nagpapatunay na ang alegasyon laban sa kanya at pamilya nito ay pawang walang basehan at hindi makita.
Ipinaliwanag ni Subido na ang pangunahing dahilan ng pagtaas ng net worth ni VP Binay ay ang JCB Farms, isang piggery business sa Rosario, Batangas na kanyang naumpisahan noong 1994.
Ang net worth ni Binay nang una itong mahalal na alkalde noong 1988 ay P2.527 milyon habang ang liabilities nito ay P982,406.
Mayroon din umanong real properties si Binay sa San Antonio Village sa Makati; sa Laguna; Alabang Hills, Cupang, Muntinlupa; Tunasan, San Pedro, Laguna; Cabagan, Isabela; San Pascual, Batangas; at Bataan na may kabuuang halaga na P635,000 base sa market prices ng nasabi ring taon.
Pero taong 1994, nagkaroon ng piggery si Binay sa Rosario, Batangas at mahigit sa P44 milyon ang kinita nito hanggang 2010. Ang JCB Farms ay nakarehistro sa BIR-Rosario, Batangas office.
Sa nasabing panahon, nagbayad umano ng buwis si Binay na nagkakahalaga ng halos P15.89 milyon.
Ang flower shop business naman na “Blooms and Bouquet” ni Dr. Elenita Binay sa flower farm sa Rosario, Cavite ay naging maganda ang takbo.
Ang nasabing flower shop kasama na ng sahod ni VP Binay bilang Mayor ng Makati ang kanilang naging source of income mula 1989-1991.
Gayunman, nang mahalal si Binay bilang bise presidente noong 2010, ibinenta na nito ang piggery.
Noong 2010 eleksyon sumobra ang campaign contributions ni Binay ng may P13.54 milyon mula sa kabuuang kontribusyon na P231.48 milyon at may kabuuang gastos na halos P217.94 milyon kaya pumalo sa mahigit P58 milyon ang net worth nito.
Noong Disyembre 31, 2013, ang net worth ni Binay ay nasa P60.118 milyon na may assets na P66.17 milyon at liabilities na P6.05 milyon.
Sa pinagsamang net income ng mag-asawang Binay, ang kanilang net income mula 1986 hanggang 2013 (di kasama ang 2004), ay umaabot sa P83.11 milyon kung saan nagbayad sila ng buwis na P23.05 milyon.
Iginiit ni Subido na ang buhay ng Bise Presidente ay “open book” at kumpiyansa umano ang huli na ang kanyang SALN ay papasa sa anumang pagsisiyasat.