MANILA, Philippines - Isang bulletproof at air-conditioned na pope mobile ang sasakyan ni Pope Francis sa pagbisita nito sa Pilipinas sa Enero, ayon sa Simbahang Katoliko.
Sinabi naman ng Liga ng Transportasyon at Operators sa Pilipinas (LTOP) President at imbentor ng jeep na si Ka Lando Marquez, nakatanggap siya ng tawag mula sa secretariat ng Manila Cathedral at inaalam kung mayroon silang nakahandang jeep na posibleng gawing service vehicle ni Pope Francis sa pagbisita nito.
Ipapadala aniya niya sa Manila Cathedral ang iba’t ibang specification ng aircon jeep para mapagpilian. Sakaling ito ang gamitin ng Santo Papa, matatapos ang produksyon nito sa loob ng dalawang buwan.
Tiniyak naman ni Marquez na ipagagamit nila ng libre sa Santo Papa ang jeep na nagkakahalaga ng P2 milyon.
Samantala, lumipad na patungong Rome, Italy si Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle bilang bahagi ng paghahanda sa pagbisita ng Santo Papa sa Pilipinas 2015.