MANILA, Philippines - Umapela ng tulong ang isang mag-asawa sa Department of Health (DOH) upang maimbestigahan ang umano’y ginawang kapabayaan ng isang Lying In sa Putatan, Muntinlupa City noong Agosto 22, 2014.
Sa pahayag ni Ludy Tomenio, alas-11 ng gabi ng Agosto 21 nang magsimulang mag-labor ang kanyang asawang si Jacque. Ang due date ni Jacque ay Agosto 21. Dakong alas 8:30 ng umaga ng Agosto 22 nang magdesisyon na ang kanilang OB Gyne na i-admit na sa lying-in dahil batay sa IE.
Ayon kay Ludy, bagama’t ginawa na lahat ng mga tauhan ng lying-in ang lahat hindi naman maipaliwanag sa kanya ang sitwasyon ng kanyang asawa at sa halip ay sinasabing ‘walang problema’ at ‘ok naman ang lahat’ hanggang sa umabot sa Agosto 23 ang pagle-labor ng kanyang misis.
Subalit tumagal pa ang kanyang misis sa lying-in at sinabihan na siya nang handa nang manganak ito. Nagtataka naman siya nang bigla siyang sabihan na ililipat na lamang ng ospital na kanya namang sinang-ayunan.
Batay naman sa pahayag ni Jacque, walang nag-aasikaso sa kanya sa loob ng labor room at sa halip ay pinababayaan lamang umano siya ng mga staff at hinihintay ang paglabas ng sanggol.
Agosto 23 na nang mailabas ni Jacque ang sanggol ng hindi umano niya narinig na umiyak o gumagalaw man lang. Katwiran umano ng mga staff, naubusan ng oxygen ang sanggol.
Bunsod nito, minabuti nilang humingi ng medical abstract subalit pinagbabalik-balik naman siya ng lying-in hanggang sa ibigay ito ng walang doctor na nakapirma.
Hinala ng mag-asawa, posibleng may kapabayaang nangyari sa proseso ng pagpapaanak kay Jacque at anomalya sa pagri-release ng medical abstract.
Nais ng mag-asawa na mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ng kanilang sanggol at maparusahan ang mga nagpabaya.