MANILA, Philippines - Inaasahang magiging malupit na bagyo si "Mario" bago pa ito humampas sa kalupaan ng probinsya ng Cagayan sa Biyernes ng gabi.
Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration ngayong bago magtanghali ng Huwebes, ang mata ng bagyo ay tinatayang may 477 kilometro ang layo sa timog na bahagi ng Virac, Catanduanes.
Ang bagyo ay may lakas ng hangin na 65 kilometro kada oras at pagbugsong 80 kilometro kada oras.
Itinaas na ng PAGASA ang Public Storm Warning Signal No. 1 sa Catanduanes, Isabela, Aurora at Cagayan, kasama ang Calayan Group of Islands.
Bahagyang tatamaan ng bagyo ang ibang lugar sa Luzon kabilang ang Metro Manila at mga probinsya sa Calabron at Mimaropa.
Matapos humampas sa Cagayan, inaaasahang lalayo ng bansa ang bagyo sa Linggo.
Palalakasin ng bagyo ang hanging habagat kaya magdudulot ito ng bahagya hanggang malakas na pag-ulan sa mga probinsya sa Southern Luzon at Visayas simula Huwebes ng gabi.