MANILA, Philippines – Bunsod ng sunud-sunod na kontrobersiya ng kinasasangktuan ng kapulisan sa bansa, agad na inaprubahan ng Quezon City council ang panukala ni district 5 councilor Karl Castelo ukol sa paglalagay ng CCTV o ‘dashcam’ sa mga patrol car ng mga pulis sa siyudad.
Ayon kay Castelo, batid ng konseho ang lumalalang estado ng kapulisan kaya hindi na nito hinayaang mabinbin pa ang kanyang panukala na magpapakita sa ginagawa ng mga pulis habang nagpapatupad ng kanilang tungkulin.
Nauna nang iginiit ni Castelo na dapat may CCTV o tinatawag na ‘dashcam’ ang mga patrol car ng pulis sa Quezon City para masubaybayan kung paano nila ipinapatupad ang kanilang tungkulin bilang tagapagtaguyod ng katahimikan at kaayusan sa komunidad.
Isinulong ni Castelo ang panukala dahil na rin sa mga krimen kung saan sabit ang mga miyembro ng Philippine National Police (PNP) kabilang na rito ang panghuhulidap at kidnapping.
Ipinaliwanag ni Castelo na sa pamamagitan ng dashcam na ikakabit sa harapan ng police car, makikita at marerekord ng pamunuan ng PNP ang ginagawa ng kanilang mga tauhan habang nagpapatrolya o nasa duty.
“Dalawang bagay lang naman ang ipapakita ng kamera. Ang tapat na pulis at ang pulis na gumagawa ng katiwalian. Dito natin makikita ang mga pulis na dapat pinaparangalan at ang mga kabaro nila na dapat sinisibak sa pwesto,” paliwanag ni Castelo.
Ayon kay Castelo, nakakabahala ang pagdami ng bilang ng mga pulis na lumalabag sa batas sa halip na ipatupad ito. Aniya, patunay dito ang hulidap sa Edsa at ang pagkakapatay sa isang sikat na car racer kamakailan.