MANILA, Philippines – Nakalabas na ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ang bagyong Luis at tumutulak na pa-China.
Alas-11 ng umaga kahapon, si Luis ay namataan sa layong 372 kilometro kanluran ng Laoag City.
Kumikilos ito pakanluran hilagang kanluran sa bilis na 30 kilometro bawat oras.
Napanatili nito ang lakas ng hanging 120 kilometro kada oras malapit sa gitna at may pagbugso na 150kph habang papalayo na sa Pilipinas.
Bago lumabas ng PAR, may babala pa ng bagyo ang PAGASA sa Ilocos Norte, Ilocos Sur, La Union, Abra at Pangasinan.
Bagama’t papalayo na ng bansa ang bagyo, patuloy na maaapektuhan ng hinihila nitong Habagat ang ilang bahagi ng Luzon kasama na ang Metro Manila.
Isa pang sama ng panahon ang inaasahang papasok sa PAR sa linggong ito.
Samantala, umaabot sa 1,723 pamilya o 7,801 katao ang naapektuhan sa pananalasa ng bagyo kahapon.
Nag-landfall si Luis sa Isabela-Cagayan area noong Linggo ng hapon at tinawid ang Northern Luzon sa nakalipas na magdamag.
Pinakamatinding hinagupit ni “Luis” ang mga bayan ng Alcala, Amulung, Iguig, Solana at Gattaran sa Cagayan.
Samantala, maraming lugar sa Isabela ang walang kuryente dahil sa mga bumagsak na poste.
Kabilang sa mga apektadong bayan ang San Pablo, Cabagan, Santo Tomas, Santa Maria at bahagi ng Tumauini.