MANILA, Philippines - Tumulak kagabi si Pangulong Aquino patungong Europe para sa kanyang walong araw na official visit sa Spain, France, Belgium at Germany.
Alas-9:50 kagabi ng umalis ang delegasyon ng Pangulo lulan ng PAL flight 001 chartered flight patungong Madrid, Spain.
Sa Madrid ay makikipagpulong si PNoy sa Filipino community at kina Spanish Prime Minister Mariano Rajoy at King Felipe VI.
Mula Spain, tutulak pa-Brussels, Belgium ang Pangulo para sa kanyang unang working visit sa European Union (EU). Inaasahang makakadaupan din nito sina King Philippe ng Belgium at Prime Minister Elio Di Rupo. Makikipagkita rin ang Pangulo sa Pinoy community sa Belgium.
Sunod itong magtutungo sa France at huling bansang bibisitahin ang Germany.
Tatagal ang 4-nation tour ni PNoy sa Europe mula Setyembre 13-20. Ito ang unang biyahe ng Pangulo sa rehiyon mula nang maupo noong 2010.
Layon ng biyahe na mapagtibay ang ugnayan ng Pilipinas at Europa at maka-engganyo ng mga mamumuhunan sa bansa.
Mula Europa, tutungo naman si Aquino at ang delegasyon sa Amerika para dumalo sa UN Global Climate Change Summit.