MANILA, Philippines – Hiniling ni Pangulong Benigno Aquino III ngayong Miyerkules sa Kongreso na maipasa sana ang Bangsamoro Basic Law (BBL) sa lalong madaling panahon upang maipatupad ito kaagad.
"Sa atin naman pong Kongreso: nauunawaan namin na kailangan ninyong suriin nang mabuti ang panukalang batas na ito. Ang hiling lang namin, maipasa po sana ito sa lalong madaling panahon. Sa ganitong paraan po, mabibigyan natin ng sapat na oras ang ating mga kapatid na makapaghanda, at tuluyang mapalago ang ipinunla nating pagbabago sa pamamahala sa Bangsamoro," wika ni Aquino.
Personal na ibinigay ni Aquino ngayong Miyerkules ang kopya ng panukala kina Senate President Franklin Drilon at House Speaker Feliciano Belmonte Jr. sa isinagawang turnover ceremony sa Malacañang.
Layunin ng BBL na bumuo ng Bangsamoro region na papalit sa Autonomous Region in Muslim Mindanao.
Oras na maisabatas ang BBL ay magkakaroon ng plebesito upang mabuo ang haligi ng bagong gobyerno sa Mindanao.
"Ang panawagan ko po sa ating mga kapatid na boboto: Pag-aralan ninyo sana nang mabuti ang mga nailatag na probisyon. Ang inyong pag-unawa at pakikilahok ang magiging pananggalang ninyo sa mga nagpapakalat ng agam-agam sa ating agenda ng pangmatagalang kapayapaan," pahayag ni Aquino.
Ang BBL ay ang naging produkto ng usaping pangkapayapaan sa pagitan ng gobyerno at ng Moro Islamic Liberation Front upang mawakasan ang kaguluhan sa Mindanao.
Nakapaloob sa kasunduan ang paghahati ng kapangyarihan at yaman ng dalawang panig.