MANILA, Philippines - Sa halip na tuluyang ipagbawal ang pag-aangkas ng mga bata sa motorsiklo, isinulong kahapon sa Senado na payagan lamang na makaangkas ang mga bata na aabot na ang paa sa tapakan at maari ng yumakap sa nagmamaneho ng sasakyan.
Sa pagdinig kahapon ng Senate Committee on Public Services, iginiit ng kinatawan ng Motorcycle Philippines Federation at Safe Kids Philippines na magkaroon na lamang ng pamantayan sa pag-aangkas ng mga bata.
Tinalakay ng komite ang Senate Bills 4 at 47 na naglalayong ipagbawal ang pag-aangkas ng mga bata na wala pang 12-anyos at mga bata na edad 7 pababa.
Pero ayon kay Arturo Sta. Cruz, spokesperson ng Motorcycle Philippine Federation, suportado nila ang pag-aangkas ng mga bata na ang paa ay abot na sa “foot peg”.
Ayon naman kay Jesus dela Fuente, executive director ng Safe Kids Philippines, hindi maaring maging basehan ang edad sa pagbabawal sa pag-angkas sa motorsiklo.
Dapat din aniyang tingnan ang laki ng bata na kalimitang iniaangkas ng kanilang mga magulang kapag inihahatid sa eskuwelahan.