MANILA, Philippines - Ire-require na ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na malagyan ng global positioning system (GPS) devices ang lahat ng pampasaherong bus nationwide.
Ito ayon kay LTFRB Chair Winston Ginez ay upang hanggang sa itinakdang takbo lamang ng mga bus maaaring patakbuhin ang mga pampasaherong bus at tuloy maiwasan ang pag-uunahan at pagharurot ng mga bus habang nasa kalsada.
Ang hakbang ay ginawa ng LTFRB bunga na rin ng pagkakahulog ng Raymond bus sa Quezon province na ikinamatay ng ilang pasahero nito at pagkasugat ng marami na sinasabing dulot ng mabilis na pagtakbo ng naturang bus.
Suspendido na ng 30 araw ang operasyon ng naturang bus company para bigyan daan ang pagbusisi ng ahensiya hinggil dito.
Kaugnay nito, nakipagpulong ang LTFRB sa mga GPS providers at suppliers upang pag-usapan ang technical parameters at requirements para sa naturang device.
Sinabi ni Ginez na malaking tulong ang GPS para mapigilan ang pagharurot ng mga sasakyan at madaliang malaman na ang isang bus ay nasa tamang ruta batay sa kanilang prangkisa.
Hindi rin mapepeke at magagaya ang naturang device dahil sa accredited supplier lamang ng LTFRB ito mabibili at mailalagay sa kanilang unit.