Impeach Binay, no way! - LP solons

MANILA, Philippines - Kahit magkaiba ng partido, nagtitiwala pa rin ang mga kongresistang kaalyado ng Aquino administration kay Vice Pres. Jejomar Binay at maging sila ay kontra sa hamon ni Sen. Nancy Binay na ipa-impeach ang Bise Presidente sa isyu ng umano’y overpricing sa Makati parking building.

Ayon kay Negros Occidental Rep. Albee Benitez, pag-aaksaya lamang ng panahon na tangkaing ipa-impeach si VP Binay dahil malapit na rin ang eleksyon.

Tutol din dito si iloilo Rep. Jerry Trenas dahil kakain lamang ito ng mahabang oras sa kongreso gayung marami silang dapat asikasuhing trabaho.

Iginiit din ni Benitez na dapat itigil na ng Senado ang imbestigasyon kay VP Binay at ipaubaya na lamang ito sa Office of the Ombudsman kung kailangan kasuhan ang Bise Presidente.

Ito ay dahil masyado na umanong nababahiran ng pulitika ang imbestigasyon ng Senado.

Giit pa ni Benitez ma­ging ang Senado ay nakakaladkad din sa pulitika samantalang maraming dapat gawin para bigyan ng tamang direksyon ang bansa.

Kaugnay nito, balak ng mga natitirang miyembro ng minorya sa Senado na i-boykot ang mga susunod na hearing ng Senate Blue Ribbon Committee tungkol sa sinasabing overpriced na parking building sa Makati.

Ayon kay Sen. JV Ejercito, napag-usapan nila ni Sen. Tito Sotto na huwag ng dumalo sa hearing dahil parang binibigyan lamang umano nila ng kredibilidad ang imbestigasyon.

Pero idinagdag ng senador na muli niyang kokonsultahin si Sotto tungkol sa nasabing isyu.

Ayon pa kay Ejercito kung walang kinatawan ang minorya sa hearing magiging “one sided” na ito.

Naniniwala rin si Ejercito na hindi ang Senado ang masasabing proper forum para imbestigahan ang isyu dahil lokal na pamahalaan ng Makati ang sangkot.

Dapat aniya ang Ombudsman at ang Commission on Audit ang mga ahensiyang sumilip sa sinasabing overpriced na building.

Sinabi naman ni Sen. Binay na miyembro rin ng minorya na hindi naman talaga siya dumadalo sa hearing upang hindi masabi na ini-impluwensiyahan niya ang pagdinig lalo pa’t ang isinasangkot sa isyu ay ang kanyang ama at kapatid.

Show comments