MANILA, Philippines – Inihayag ni Vice-President Jejomar Binay na kinukunsidera nitong maging runningmate sa darating na 2016 elections si communications and media tycoon Manuel V. Pangilinan.
Ayon kay VP Binay, nais nitong maging ka-tandem si MVP dahil na rin sa track record ng negosyante at malaki ang kanyang paniwalang malaki ang maitutulong nito sa pagpapalago ng ekonomiya ng bansa.
Malamig naman ang pagtanggap ni MVP sa mungkahing sumabak siya sa darating na 2016 elections.
Kinumpirma ni Binay na simula pa noong nakaraang taon, kaniya ng kinukunsidera si Pangilinan bilang kaniyang ka-tandem.
Inihayag ng pangalawang pangulo na noong nakaraang buwan nagka-usap sila ni MVP subalit wala naman itong naging tugon sa kaniyang mungkahi.
Si Pangilinan ang chief executive ng HongKong-listed First Pacific na nagmamay-ari ng Philippine Long Distance Telephone Company (PLDT), TV-5, Manila Electric Co.(Meralco) at chairman ng Philex Mining Corporation at Star Group of companies.
Wika pa ni Binay, ang dahilan kung bakit nais niya si Pangilinan ang kaniyang ka-tandem ay dahil ayaw niya ng isang politician.
Samantala, iginagalang naman ng Malacañang ang plano ni VP Binay na kunin nitong runningmate si MVP sa darating na eleksyon.
Ang posibleng makaharap ni Binay sa presidential race ay si DILG Sec. Mar Roxas ng Liberal Party na kapartido ni Pangulong Aquino.