MANILA, Philippines - Bumagsak ang presyo ng karne ng manok sa mga pamilihan sa bansa dahil dumami na ang suplay nito bunga na rin ng pagbangon ng mga poultry suppliers sa Southern Luzon na sinalanta kamakailan ng bagyong Glenda.
Ayon kay Agriculture Undersecretary for Livestock Jose Reaño, ang presyo sa ngayon ng karne ng manok ay pumapalo sa P135 hanggang P140 kada kilo.
Anya, bumaba rin ang halaga ng karne ng baboy na pumapalo sa P175-P180 kada kilo.
Manonormalisa naman ang presyuhan ng itlog ng manok sa Disyembre.
Samantala, dahil sa pagkaantala ng anihan at pagdating ng inangkat nating bigas namemeligrong tumaas ang presyo ng bigas sa susunod na dalawang buwan.
Sabi ni DA Asst. secretary for field operations Edilberto de Luna nahuli ang pagtatanim ng palay ng ating mga magsasaka bunga ng pangambang papasok na ang El Niño.
Bunga nito, hindi anya maiiwasang magtaas ang farm gate prices ng palay hanggang sa huling linggo ng Oktubre.
Sinabi ni de Luna na tuwing lean months, umaangkat ng bigas ang NFA para magkaroon ng buffer stock at maibsan ang pagkasalat sa pangtustos ng bigas sa mamamayan.
Pero dahil sa nabigong bidding ng NFA, malabo nang dumating ang 500,000 metriko toneladang bigas buhat sa labas ng bansa.