500K lalahok sa Alay Lakad 2014

MANILA, Philippines – Inaasahang dadagsain ng libu-libong kabataan, estudyante, mga em­pleyado ng mga ahensya ng pamahalaan at non-governmental organizations ang pagdaraos ng Alay Lakad ngayon taon na gaganapin mula Aliw Theater sa may CCP complex hanggang sa Quirino Grandstand sa Maynila bukas (Linggo, Sept.7) ng umaga.

Ayon kay Past President Jose Andy Trilles, chairman ng Rotary International District 3810, aabutin sa 300,000 hanggang 500,000 katao ang dadalo sa Alay Lakad 2014 na may temang “Lakad para sa Kinabukasan”

Makikiisa ang Rotary Club of Malate Prime at mahigit 90 clubs ng RI District 3810, NAIA Rotaract Club at iba pang Roatractors at magsi­silbing overall chairman sa distrito si RI District 3810 Governor Edmond Aguilar.

Nabatid kay Gov. Aguilar magsisimula ang asembliya ng mga maglalakad sa Aliw Theater, sa may Vito Cruz ng alas-4 ng madaling-araw habang ang ibang grupo ay alas-4:30 ng madaling araw sa Planetarium sa Padre Burgos.

Ang host ng Alay Lakad ngayong taon ay ang Lions International.

Inimbitan na magsalita sa programa sina Manila Mayor Joseph Estrada, Vice Mayor Isko Moreno at DWSD Sec. Dinky Soliman.

Ang Alay Lakad ay idinadaos taun-taon na kinikilala ng pamahalaan kung saan kasama sa paglalakad ng may dalawang kilometro ang mga miyembro ng AFP, PNP, mga estudyante ng iba’t ibang schools sa National Capital Region, Kiwanis International, Jaycees International, Boy Scout at Girl Scout of the Philippines.

Kasabay ng programa, magbibigay ng mga donasyong pinansyal ang RI District 3810.

Show comments