Contractor dumepensa: ‘No kickback’ kay VP Binay
MANILA, Philippines - Walang kickback o pera na tinanggap sina Vice President Jejomar Binay at anak niyang si Makati Mayor Junjun Binay sa kontrobersiyal na building 2 ng Makati City Hall.
Ito ang nilinaw ng Hilmarc’s Construction Corporation na siyang kontratista sa ipinatayong gusali na kasalukuyang iniimbestigahan ng isang sub-committee ng Senado dahil sa ibinibintang na overpricing dito.
Naglabas ng pahayag ang Hilmarc sa pamamagitan ng vice president for legal nito na si Atty. Rogelio Peig para pasinungalingan ang akusasyon ni dating Makat Vice Mayor Ernesto Mercado na nagbigay sila ng kickback sa mag-amang Binay.
“Wala po, hindi po tinotolerate yan ng kumpanya,” sabi ni Peig nang tanungin siya ni Sen. JV Ejercito kung pinagkalooban ng kickback sina Mercado, Mayor Binay at VP Binay.
Sa pagdinig sa Senado, iprinisinta ni Peig ang pagkukumpara sa ilang mga gusali ng pamahalaan na ginawa ng Hillmarc sa pagsasabing ang Makati City Hall Building 2 ay maihahambing sa iba pang gusali ng pamahalaan na kanilang ginawa.
Ang Makati building 2 ay may presyong halos P70,000 habang ang House of Representatives Annex Building ay nagkahalaga ng P75,000.
Ayon pa sa Hilmarc, ang Continuing Renovation and Expansion ng Main Building- North Lounge Extension ng House of Representatives ay umaabot sa P68,000 habang ang Bangko Sentral ng Pilipinas building sa Naga ay P62,000. Wala anyang mga pagbabago sa panahon ng pagpapagawa sa gusali.
Dinepensahan din ng Hilmarc’s ang kalidad ng itinayo nilang 11-palapag na gusali ng Makati City Hall na hindi umano matatawaran sa tibay at katatagan.
Sabi ng HCC, ang kanilang kumpanya ay kabilang umano sa top 10 Construction companies sa bansa. Nagsimula ito noong 1977 na mayroon umanong workforce asset na maipagmamalaki gaya ng civil, electro-mechanical engineers, architects bukod pa sa de-kalidad na construction equipment.
Ilan sa mga gusali na naitayo na ng HCC ay mga kilalang mall, arena, at marami pang mga high-rise condominium, commercial at residential establishments.
Giniit ng HCC, ang kanilang track record ang tatayong pinakamatibay na ebidensiya ng pagtitiwala ng mga kliyenteng kanilang pinagsisilbihan sa larangan ng construction.
Sinabi ni Peig na labas dapat ang HCC sa kaso ng overpricing sa Makati City Hall. Gayunman, nakakaladkad din ang kanilang kumpanya subalit sa kabila nito ay handa umano nilang idepensa ang kanilang ginawa sa lungsod mula sa pundasyon nito hanggang sa bawat palapag ng gusali.
Giit pa ng kumpanya na mayroon silang 37 taong expertise na basehan para masabing ang itinayo nilang mga gusali ay matitibay at de kalidad.
- Latest