MANILA, Philippines - Napapanahon nang ilantad at mahikayat ang iba pang mga personalidad na makatuwang sa pagbubulgar ng mga maanomalyang kontrata ng iba’t ibang mga naging proyekto sa lungsod ng Makati upang masupil na ang corruption tulad sa kontrobersiyal na overpriced parking building.
Ito ang naging pagpupunto ni United Makati Against Corruption (UMAC) lead convenor Atty. Renato Bondal kahapon ng umaga nang dumalo ito sa “mass against corruption” kasama ang kanilang mga tagasuporta na isinagawa sa St. Joseph Parish Church sa Makati, kasabay ng panawagan sa mga mamamayan na ipagdasal ang kanilang grupo sa paglaban sa corruption sa lipunan. “Hiling din namin sa mga mamamayan na isama sa kanilang panalangin na sana’y mabulgar ang iba pang over-priced na buildings na ipinagawa sa Makati at iba pang mga maanomalyang kontrata simula noong Mayor pa lamang si VP Jejomar Binay,” saad ni Atty. Bondal.
Sa pagsugpo ng corruption sa ating lipunan na sumisira sa daang matuwid na ibinabandera ni Presidente Noynoy Aquino ay nilalayon ng UMAC na ang kanilang grupo ay magsilbing modelo o halimbawa sa lahat ng mamamayan na huwag matakot sa pagbubulgar sa mga maling gawain ng ating mga government officials. Bunsod nito ay naihayag ng naturang grupo na ang nagaganap na imbestigasyon ngayon ng senado sa mag-amang Binay ay kinakailangang panagutan ng mga ito ang maanomalyang kontrata na kanilang pinasok, kung saan ang mamamayan naman ng Makati ang nagsipasan ng mga ito. Nakatakda rin nilang ilunsad ang ‘Black ribbon campaign’ na ito ay ang pagsusuot ng itim na laso o ribbon na sumisimbolo ng kampanyang tuluy-tuloy na laban para sa kalinisan at kaunlaran.