$42 M ill gotten wealth ni Marcos, pinasosoli ng Sandiganbayan
MANILA, Philippines - Pinasosoli ng Sandiganbayan ang may $42 milyong diumano’y ill gotten wealth ni dating Pangulong Ferdinand Marcos.
Sa ipinalabas na writ of execution ng Sandiganbayan Special Division, ipinakukuha nito ang lahat ng assets na may kinalaman dito na nasa Arelma Inc., ang foundation na binuo ni Marcos sa ilalim ng Panamanian laws noong 1972.
Una nang naisapinal ng Korte Suprema ang pagbasura sa magkakahiwalay na naisampang motion for reconsideration nina Ilocos Norte Rep. Imelda Marcos at Sen. Bongbong Marcos na may kinalaman sa naturang assets.
Bunga nito, inutos ng graft court kay acting chief judicial staff officer Albert dela Cruz na tiyaking maililipat ang kabuuang $42 milyon mula sa Philippine National Bank na naka-scrow sa Bureau of Treasury.
Sinasabing nang maging pinal at executory ang desisyon ng Korte Suprema hinggil sa naturang assets ay agad na nagpetisyon ang Presidential Commission on Good Government sa Sandiganbayan para makapagpalabas ito ng writ of execution.
Makaraan nito, inaasahan namang makapagpapalabas na rin ng pinal na desisyon ang Sandiganbayan hinggil sa sinasabing Malacañang jewelry collection.
- Latest