MANILA, Philippines — Iniimbestigahan na ng Quezon City police ang asawa ng pinatay na race car champion na si Enzo Pastor.
Sinabi ni Chief Inspector Rodel Marcelo, pinuno ng Quezon City Police District's Criminal Investigation and Detection Unit, na maaaring may relasyon ang asawa ng race car driver na si Dalia Guerrero Pastor at ang nadakip na umano'y mastermind sa pananambang na si Domingo “Sandy” de Guzman.
Nasakote si De Guzman kagabi sa Muntinlupa kasunod nang pagkakaaresto sa umano'y gunman na si Pasay City Police Officer 3 Edgar Angel.
Kaugnay na balita: Mastermind' sa pagpatay kay Enzo Pastor timbog
Sinabi ni Angel na binayaran siya ng negosyanteng si De Guzman ng P100,000 upang itumba si Enzo Pastor noong Hulyo 12 sa lungsod ng Quezon.
"Ang na-establish po natin dito ay may relasyon si 'Sandy' at po ang asawa nung namatay. ongoing po yung imbestigation," paliwanag ni Marcelo ngayong Miyerkules.
Kilalang magkakaibigan ang mag-asawang Pastor at si De Guzman.
Nahaharap sa kasong murder, frustrated murder at illegal possession of gun sina De Guzman at Angel.