MANILA, Philippines - Ito ang pahayag kahapon ni Senate Majority Leader Alan Peter Cayetano kasabay ng panawagan sa media at publiko na magsagawa ng ocular inspection sa sinasabing “overpriced” parking building sa Makati.
Ayon kay Cayetano, dapat makita mismo ng publiko ang nasabing gusali upang madetermina kung ang pondong inilaan rito ay nararapat at maari talagang tawaging ‘world class building’.
Sabi ni Cayetano, ang nasabing P2.3 bilyong building na sinasabing maihahanay sa “world class” ay matatawag na “world-class palusot” kung hindi dadalo sa hearing ng Senate Blue Ribbon subcommittee si Vice President Jejomar Binay.
Ayon pa kay Cayetano, dapat i-welcome ni VP Binay at Makati Mayor Junjun Binay ang pagsasagawa ng ocular inspection sa 11-storey Makati parking building na pinagbasehan umano ng kasong plunder at graft charges laban sa kanila.
“I think the ocular inspection would be good because we’ve been dealing with pictures from the outside pero hindi natin nakikita yung building talaga eh. Hindi pwede mag-sinungaling ang litrato at ang TV. Tao na rin ang huhusga kung ito ay world-class building o world-class palusot,” pahayag ni Cayetano.
Tiniyak din ni Cayetano na magiging maayos ang pagtrato sa vice presidente kung haharap ito sa pagdinig.
Pero hindi na rin aniya kuwestiyon kung haharap si VP Binay dahil ang dapat ipaliwanag ay kung bakit napakamahal ng nasabing 11-palapag na building.
“Pero hindi ang issue ay kung haharap si Vice President o hindi. Ang issue, Mr. Vice President, bakit ganun ang presyo ng building? At kung kayo ba ay naging presidente, ganyan ba, bawal magtanong sa inyo?” tanong ni Cayetano.
Hinamon rin ng senador si Binay na magsulong ng isang Senate investigation laban sa kanya kaugnay naman sa kasong inihain sa Ombudsman ng mga kaklase umano ni Makati Rep. Abby Binay.
Dagdag ni Cayetano, palaging present sa pagtitipon sa bahay ni Rep. Binay sa Makati ang ilang business associates at ilang kaibigan nitong abogado na sina Rod Vera at Fhilip Sawali, ang tumatayong complainants sa sinasabing malisyosong paratang laban sa mga Cayetano.
“Members ng Thursday Club yan ni Congresswoman Abby Binay. Every Thursday night, kasama yung mga kaibigan, konting business associates, meron sa bahay nila may kainan, mahjong, may poker. Yung dalawang abogado na yan kaklase niya ay palaging kasama dyan,” ani Cayetano.