MANILA, Philippines - Dahil sa panganib ng Ebola virus at tumitinding krisis sa Gitnang Silangan, ililikas na ang 447 Pinoy contingent ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na nakadeploy sa Liberia at Golan Heights.
Ito ang nabatid kahapon kay Defense spokesman Dr. Reuben Peter Paul Galvez, matapos aprubahan ni Pangulong Aquino ang rekomendasyon ni Defense Sec. Voltaire Gazmin.
“To ensure the safety and security of the Philippine military troops deployed to conflict-affected areas, the country’s contingents in the Golan Heights and Liberia are scheduled to be repatriated,” sabi ni Galvez.
Dahil sa gumagrabeng outbreak ng Ebola virus sa Liberia ay ipu-pullout na sa lalong madaling panahon ang nasa 115 AFP contingent na nagsasagawa ng peace keeping mission doon.
Aabot naman sa 332 Pinoy na nagsisilbi sa United Nations Disengagement Force (UNDOF) sa Golan Heights ang pauuwiin na rin sa bansa sa pagtatapos ng tour of duty ng mga ito sa darating na Oktubre.
Noong Mayo at Marso 2013 ay nasa 25 Phl troops ang kinidnap ng Syrian rebels sa Golan Heights.
Mahigit 2,000 katao na ang nasawi sa outbreak ng Ebola virus sa ilang mga bansa sa West Africa na kinabibilangan ng Liberia, Sierra Leone at Guinea.
Magugunita na nagsagawa ng ‘threat assessment’ ang mga opisyal ng AFP sa Liberia at Golan bago inirekomenda kay PNoy ang pullout.