Truck na may biyahe sa Manila port hindi huhulihin - LTFRB
MANILA, Philippines - Nagpalabas ng moratorium ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na nagsasaad na libre sa huli ang mga truck na may biyahe sa Manila International Container Port.
Ayon kay LTFRB Chairman Winston Ginez, mula kahapon, August 22 ay walang huhulihing truck na tutungo ng naturang daungan kahit wala itong maipapakitang provisional authority (PA).
Ang provisional authority ng LTFRB ay nagbibigay pahintulot sa mga truck na puti pa ang plaka na makabiyahe sa alinmang ruta nito hanggang October 17 para mairehistro at magkaroon ng yellow plates.
Niliwanag ni Ginez na habang wala pang PA ang ilang mga truck pero may biyahe sa mga daungan sa Maynila, hindi ito maaaring hulihin basta’t kukuha lamang ang mga may-ari ng truck ng port user’s certficate mula sa Philippine Ports Authority (PPA) upang maipakita ito sa mga enforcers na sisita sa kanila.
Anya, pagbibigyan naman ng ahensya na makahabol pa para makakuha ng PA ang mga truck owners na hindi nakakuha nito noong August 15 deadline.
Niliwanag ni Ginez na hanggang hindi lumuluwag ang MICP mula sa tambak na mga container vans ay hindi matatapos ang implementasyon ng naturang moratorium.
- Latest