MANILA, Philippines - Kalaboso ang isang 36-anyos na ginang matapos magtangkang pasukin ang loob ng Malakanyang habang hawak ang isang kalibre .45 baril na kargado ng bala at isigaw na bumaba si Pangulong Aquino.
Sa ulat, dakong alas 3:30 ng hapon nang maganap ang insidente ng pagpasok sa Gate 2 ng Palasyo ng suspek na si Flora Nonato Pineda, biyuda, may isang anak, residente ng no. 3 Herbs, Signal Village, Taguig City at tubong Tuguegarao, Cagayan.
Narekober sa kaniya ang nasabing baril at mga bala at maliit na shoulder bag na pinaniniwalaang pinaglagyan ng baril.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng Manila Police District-General Assignment Section ang suspek na isasailalim pa sa medical examination at posibilidad na isalang din sa neuro-psychiatric test para matukoy kung nasa tamang pag-iisip.
Nabatid mismo sa suspek na ang baril ay pag-aari ng kaniyang kapatid na miyembro ng Philippine Marines. Hindi umano alam ng kaniyang kuya na si Rolando Suyo Nonato, na ninakaw niya ang baril nito dahil magkalapit lamang sila ng bahay.
Wala din umanong nagtulak sa kaniya para magtungo sa Malakanyang.
“Walang kasalanan ang kapatid ko. Di niya alam na ninakaw ko ang baril niya. Hindi niya rin ako sinabihan na magpunta sa Malakanyang. Nagpunta ako kasi sobrang kahirapan na ng bansa. Gusto kong bumbaba na si Sir Noynoy sa puwesto,” ani Flora.
Handa umano siyang makulong nang kahit ilang taon sa ginawa niya subalit wala naman umano siyang sinaktan o nabaril dahil hangad niya lang na maipakita kay PNoy na siya ay galit sa kahirapan kaya dapat na itong bumaba sa puwesto.
Nang tanungin kung ano ang kaniyang trabaho, sinabi niya na isa lamang siyang katulong.