MANILA, Philippines - Dumanas ng mga pagbaha ang ilang bahagi ng Metro Manila at mga karatig lugar dulot ng malakas na pagbuhos ng ulan na epekto ng ‘thunderstorm’ nitong Martes ng hapon.
Sa ulat ng Office of Civil Defense-National Capital Region, ang mga pagbaha ay nagdulot din ng pagkakabuhul-buhol o malalang daloy ng trapiko sa mga apektadong lugar.
Sa bulletin at twitter account ng PAGASA, ang thunderstorm ay may dalang makapal na ulap na nakakaapekto sa Metro Manila, ilang bahagi ng lalawigan ng Rizal, Quezon at Zambales.
Pasado alas-3 ng hapon ng bumuhos ang malakas na pag-ulan sa nabanggit na mga lugar.
Kabilang sa mga binaha ang Quezon City sa kahabaan ng Quezon Avenue at Biak na Bato na umabot sa hanggang baywang ang baha; Edsa-Aurora, G. Araneta Avenue, hanggang gulong ang baha; E. Rodriguez Ave. na malalim din ang pagbaha; hanggang kalahati naman ng gulong ang naging baha sa Betty Go Belmonte Street.
Naitala rin ang mga pagbaha sa Maynila, Makati, Pasay, Mandaluyong City at maging sa Rizal.
Nakansela naman ang pasok ng mga estudyante sa University of Sto. Tomas dakong alas-4 ng hapon dahilan sa pagbaha sa kahabaan ng España Ave. sa Sampaloc, Maynila.