MANILA, Philippines - Aabot umano sa P2.455-bilyon ang overpricing sa pagpapatayo ng Makati City Hall Parking Building base sa bagong ebidensiya na inihain sa Ombudsman ng dalawang residente laban kay Vice Pres. Jejomar Binay at 23 pang opisyales.
Sa 9-pahinang suplemento ng inihaing reklamo nina Atty. Renato Bondal at Nicolas “Ching” Enciso, hindi lang P1.2-bilyon o P1.6-bilyon ang umano’y tongpats sa kasong plunder na ito.
Ayon kay Bondal, inamin ni Caga-anan sa kanyang report kay Director Carmelita O. Antasuda ng COA Local Government Sector (National Capital Region) na umabot sa P2,711,566,502.50 ang kabuuang budget sa pagpapatayo ng kontrobersyal na parking building.
Inilaan ang nasabing budget sa 10 ordinansa na inaprubahan ng Makati City Council mula 2007 hanggang 2013.
Lumutang lamang ang nasabing report ni Caga-anan kay Director Antasuda matapos na maihain nina Bondal at Enciso ang reklamong plunder laban kay VP Binay, Mayor Erwin Jejomar S. Binay Jr., COA Auditor Cecilia Caga-anan at 21 konsehal ng Makati.
Sa dokumentong inilabas ni Caga-anan, aabot daw sa P2,455,727,438.50 ang overpricing sa Makati City Hall Parking Building kung ikukumpara ito sa average price na P8,013 bawat metro kuwadrado noong 2007.
Aabot naman ang overpricing sa P2,407,388,446.50 kung ikukumpara sa official average construction cost na P9,527 bawat metro kuwadrado noong 2012.
Pinakamababa nang halaga ang P1,913,366,502.50 kung ikukumpara sa average construction cost na P25,000 bawat metro kuwadrado ngayong taon.