MANILA, Philippines - Binalaan ng Food and Drugs Administration (FDA) ang publiko laban sa pagbili ng dalawang slimming pills na hindi rehistrado sa kanilang tanggapan at natuklasang nagtataglay ng sibutramine na mapanganib sa puso.
Sa advisory ni FDA acting General Manager Kenneth Hartigan-Go, tinukoy nito ang mga produkto na “Vita Slim Appetite Suppressant Guava Flavored Juice” na ginawa ng United States Konmeger Pharmaceutical Co. Ltd. at ang “Leisure Burn Body Fat Orange Juice” na produkto naman ng America Huarui Sheng Pharmaceutical Co. Ltd..
Ang mga naturang produkto ay kapwa may claim na nakapagpapapayat ngunit nadiskubreng may sibutramine at hindi rehistrado sa FDA.
Iginiit ng FDA na sinuspinde na nila ang pag-manufacture, importasyon, distribusyon at marketing ng lahat ng Sibutramine products (single component at Sibutramine-containing products) dahil sa ‘unnecessary cardiovascular risks’ nito sa mga pasyente, batay sa FDA Memorandum Circular No. 2010-019.
Hindi umano nakasaad sa label ng Vita Slim na may taglay itong Sibutramine, na nadiskubre ng FDA.
Bukod sa sibutramine, ang Leisure Burn Body Fat Orange Juice naman, na ipinagbibili sa Tuguegarao City sa Cagayan, ay natuklasang may taglay rin na amphetamine na inilarawang isang mapanganib na gamot na ipinagbabawal sa ilalim ng Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Inatasan na ng FDA ang mga distributor, retailer, pagamutan, pharmacy at mga klinika na itigil ang distribusyon, pagbebenta at paggamit ng mga naturang produkto.
Ipinag-utos na rin ng FDA ang agarang pagkumpiska sa mga produkto sa merkado, sa tulong ng mga local government units, upang matiyak na hindi na ito mabibili pa ng mga consumers.