MANILA, Philippines - Bukas ang Korte Suprema na isapubliko ang mga Statement of Assets, Liabilities and Networth o SALN ng mga mahistrado.
Tugon ito ni Supreme Court - Public Information Office chief Theodore Te, sa panawagan ni Pangulong Aquino na maghain ng kani-kanilang SALN ang mga mahistrado at isapubliko.
Sa Lunes (Agosto 18) ay nakatakda nang ilabas ng Mataas na Hukuman ang listahan ng naaprubahan ng hukuman na mabigyan ng kopya ng SALN ng mga mahistrado.
Makakakuha ng kopya ang mga myembro ng media at civil society na nagsasapubliko naman ng nilalaman nito.
Kamakailan lamang, inihayag ng Pangulo na siya ay bukas sa pag-amyenda sa Saligang Batas para malimitahan ang kapangyarihan ng Korte.
Ilang ulit na ring hayagang pinupuntirya ni Aquino ang Korte Suprema matapos ideklara ng hukuman na labag sa Konstitusyon ang ilang bahagi ng kontrobersyal na Disbursement Acceleration Program o DAP.