MANILA, Philippines - Higit 30 pasahero ang sugatan matapos sumalpok at lumampas sa barrier ang nadiskaril na tren ng Metro Rail Transit (MRT) sa EDSA-Taft, Pasay City.
Ayon kay Pasay Police Chief, Sr. Supt. Florencio Ortilla, isinugod ang mga sugatang pasahero sa Pasay City General Hospital, San Juan de Dios Hospital at Adventist Medical Center.
Base sa report, naganap ang insidente pasado alas-3:00 ng hapon.
Galing ang naturang tren sa Magallanes, Makati City Station at patungo ng EDSA-Taft Avenue Station, subalit tumirik ito sa alanganing lugar dahil umano sa pagkawala ng power nito.
Ayon sa MRT management, hindi naman maaaring ibaba ang mga pasahero ng naturang bagon dahil sa alanganin ang lugar, kaya’t kinakailang maglagay ng bakal na barrier.
Subalit nadiskaril umano ang inilagay na barrier hanggang sa dumiretso ang unang bagon na pawang mga babae at matatanda ang sakay at lumampas sa barrier sa intersection ng EDSA-Taft at pinatumba ang ilang poste ng kuryente bukod pa sa ilang nasaging sasakyan.
Karamihan umano sa mga pasahero ay nasubsob dahil sa lakas ng impact nang pagkakasalpok at sinasabing nagkaroon ng stampede.
Samantala, pinagpapaliwanag ng Palasyo ang DOTC dahil sa insidente at sa sunud-sunod na aberya ng mga tren ng MRT mula pa noong 2011.