MANILA, Philippines - Pormal nang inihain sa Kamara ang ikaapat na impeachment complaint laban kay Pangulong Benigno Aquino III ng grupo ng mga guro.
Ang impeachment complaint ay inihain nina ACT Partylist Rep. Antonio Tinio at Act national chairperson Benjamin Valbuena sa tanggapan ni House Secretary General Marilyn Barua-Yap dahilan sa umanoy natuklasang “hidden pork” sa ilalim ng 2014 budget.
Ang grounds ng ika-4 na impeachment complaint ay culpable violation of the constitution at betrayal of public trust.
Iginiit ni Tinio na dapat panagutan ni Pangulong Aquino ang hidden pork dahil kinunsinti niya umano ito gayong deklarado na ng Korte Suprema na unconstitutional ang pork barrel.
Subalit ayon kay House Justice Committee chairman at Iloilo Rep. Neil Tupas Jr. hindi nila maaaring maaksyunan ang reklamo ng grupo ni Tinio dahil hindi ito sabay na maire-refer sa lupon kasama ang tatlong naunang impeachment complaints.
Ipinaliwanag pa ni Tupas, na kung ang tatlong impeachment complaint lamang ang naiindorso sa plenaryo kaya nangangahulugan itong barred na ang ikaapat na reklamo dahil na rin sa one year bar rule sa ilalim ng Saligang batas.
Subalit kung mayroon umanong higit sa isa na reklamong impeachment maaari itong i-consolidate sa iisang complaint kung sabay-sabay ang referral nito sa justice committee.
Binalewala naman ni House Majority leader Neptali Gonzales ang ebidensyang tape conversation sa pagitan ng mga kongresista at nina DOJ undersecretary Janet Garin at Ched chairperson Patricia Licuanan.
Giit ni Gonzales, walang irregular dito dahil ito naman talaga ang inilatag nilang sistema sa ilalim ng 2014 budget kapalit ng pagbuwag ng pork barrel.