MANILA, Philippines - Inaasahan ang grabeng init sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) terminal 1, ang tinaguriang ‘worst airport’, dahil papalitan ang may 36 lumang airconditioned units sa nasabing paliparan.
Ayon sa ulat, ang mga lugar na maapektuhan ng grabeng init ay ang arrival level kabilang dito ang baggage reclaim at customs area, sa departure level ay ang east side ng check-in hall, sa ika-apat na palapag ay ang mga airline at government offices at ang mga passenger lounges ng Japan Airlines, Miascor, Thai Airways, Singapore Airlines at Korean Airlines.
Napag-alamang may 17 airconditioning units ang unang dumating sa paliparan at ang 19 units ay wala pa. Inaasahan naman matatapos ang pagkumpuni sa lahat ng ito sa Marso 2015.
Samantala, nakaantabay ang Department of Health at ang Bureau of Human Quarantine para sa Ebola awareness campaign sa mga terminal sa NAIA.
Nauna rito, idineklara ni Dr. Margaret Chan, World Health Organization Director-General sa kanyang press briefing na ang Ebola ay “public health emergency of international concern”.
Sinasabing nakakatakot ang Ebola virus dahil wala pa umanong gamot na natuklasan ang mga dalubhasa para rito.
Ayon sa impormasyon, libong katao na ang namatay dahil sa Ebola virus.