P10-B investment ng mga Koreano, ibubuhos sa Bulacan

MALOLOS CITY, Bulacan, Philippines - — Inaasahang lilikha ng libu-libong trabaho ang P10-bilyong investment na ibubuhos ng mga Koreanong negosyante sa Bulacan sa mga susunod na buwan. 

Ito ay kaugnay ng pakikipag-ugnayan ni Mayor Enrico Roque ng Pandi sa mga negosyanteng Koreano kung saan bukod  sa naunang P20-bilyong puhunang ginamit ng Korea Water Resources Corporation (K-Water) para sa pagsasapribado ng Angat River Hydro Electric Power Plant (Arhepp) sa bayan ng Norzagaray, Bulacan noong 2013.

Bilang pangulo ng Liga ng mga Alkalde sa Bulacan, sinabi ni Roque na hindi bababa sa P10-bilyon ang puhunang ibubuhos ng mga Koreano sa mga itatayong negosyo sa iba’t-ibang bayan sa lalawigan ng Bulacan.

Kabilang sa mga negosyong itatayo ng mga negosyanteng Koreano ay mga commercial complex at supermarkets, mga fast food chains at mga pribadong pamilihan.

Bukod dito, plano ring magtayo sa may 15-ektaryang lupain sa Bulacan  ang kauna-unahang outlet store kung saan makikita ang 400 kilalang imported brands mula sa iba’t ibang bansa.

Isa sa nakitang bentahe ng mga Koreano sa Bulacan para magtayo ng mga negosyo ay ang istratehikong lokasyon ng dalawang international airport sa kalakhang Maynila at ang Clark International Airport sa Angeles City sa Pampanga.

Kaugnay nito, ipinahayag naman ni Bulacan Gob. Willy Alvarado ang interes ng mga miyembro ng Filipino American Chamber of Commerce sa Bulacan.

Show comments